Mataas ang enerhiya at masayang nakangiti ang mga Nanay at Tatay (Tito at Tita, Lolo at Lola, Ate at Kuya) na nakilahok sa Parenting Workshop – “Ako, Aking Anak at Mag-Anak”na isinagawa ng Synergeia kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at lokal na pamahalaan ng Valenzuela City.
Ito ay bahagi ng programa ng Valenzuela City tungkol sa pagtataas ng kapasidad ng mga magulang o guardians ng mga bata na pangalagaan ang edukasyon at iba pang pangangailangan nito.
Buo ang kanilang mga loob at paniniwala na nakasalalay sa kamay ng pamilyang Pilipino ang ikauunlad ng ating bansa.
Kaya handa silang matuto sa kung paano nga ba dapat magmahal ang magulang sa anak at matulungang matupad ang mga pangarap ng mga ito.
Iba-iba ang bilang ng kanilang mga anak at iba-iba rin ang mga grado nito sa eskuwelang pinapasukan. Sari-sari ang kuwento, samu’t sari ang problema, sandamakmak ang luha’t saya sa buhay ng pagpapalaki ng anak.
Pero nagkakaisa sila na may liwanag at pagasa ang mga hangarin nilang makapagtapos ng pagaaral ang mga anak at magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan.
Kasama ang Synergeia sa pag-angat ng pamilya ng Valenzuela City at ito ang bilin namin sa kanila.
Dear Nanay at Tatay,
Maraming salamat sa inyong pagpunta at pagbibigay ng pagkakataon na ibahagi ang inyong kuwento at sabay-sabay tayong natuto sa mga tama’t mapagmahal na pamamaraan sa pagtaguyod sa ating mga anak.
Sa aming napakinggan sa inyo, maliwanag na lahat kayo ay may pangarap para sa mga anak n’yo. Gusto n’yo silang makatapos ng pagaaal kasi naniniwala kayo na ang edukasyon ang susi sa mas maginhawang buhay.
Nabanggit n’yo din na hindi madali sa inyo ang magpalaki ng anak sa maraming kadahilanan:
1. Kahirapan ng buhay;
2. Impluwensya ng barkada;
3. Matinding pagtutok sa social media;
4. Walang gamit sa pagaaral;
5. Hindi matiwasay at magulong tahanan;
6. Kawalan ng oras para sa pakikipagusap sa anak;
7. Kakulangan ng panahon para maging bahagi ng mga aktibidad ng anak sa paaralan; at
8. Mga iba pang distraksiyon sa buhay.
Sa workshop, napagalaman natin na marami mang kayong pagkukulang, hindi naman puedeng walang magbago. Sabi n’yo, mahalaga ang pagbibigay ng oras para sa anak at nagbigay kayo ng mga puedeng gawin tulad ng:
1. Kailangan may limitasyon sa paggamit ng cell phone ang anak lalo na tuwing kainan;
2. Ang laging pagtatanong ng kung ano ang nangyayari sa anak ay makakatulong sa pagiging open nila at hindi masikreto;
3. Mahalaga ang magkaroon ng paniniwala sa sariling kakayahan para hindi maapektuhan ng pagmamaliit ng iba;
4. Ang pagbibigay puri o pagkilala sa ginagawa ng anak ay makakatulong para maiangat ang kumpiyansa nito sa sarili; at
5. Dapat ayusin din ng mga magulang ang kanilang mga kalagayan, magkaroon ng diskarte at hindi magpatalo sa mga hamon ng buhay bagkus ipakita sa mga anak na kakayanin nila ang lahat para magkaroon sila ng mabuting hinaharap.
Marami sa inyo ang naluha habang nagkukuwento pero nadama din namin ang inyong katapangan at hindi pagtinag sa kung ano pa mang unos ang darating. Lahat ng buhay nito ay inialay para sa anak. Para sa kanilang mga pangarap. Kahanga-hanga talaga.
Nanay, Tatay, paano ka nga ba ginawa? Mahirap ipaliwanag. Pero isa lang talaga ang bumubuklod sa ating lahat at kung ano mang tinataya natin para sa pamilyang Pilipino.
Pagmamahal. Labis na pag-ibig para sa ating mga anak.
Sa Synergeia, tayo ay Isang puso, Isang pamilya.
Salamat muli,
Ang inyong pamilya sa Synergeia.